This is the end of the poem Florante at Laura by Francisco Baltasar
<< prev  Florante at Laura


**Katapusan ng Florante at Laura**


375
"Di lubhang nalaon noong pag-alis mo,
O, sintang Florante sa Albanyong Reyno,
narinig sa baya'y isang piping gulo
na umalingawngaw hanggang sa palasyo.

376
"Ngunit di mangyaring mawatas-watasan
ang bakit at hulo ng bulung-bulungan;
parang isang sakit na mahulaan
ng medikong pantas ang dahil at saan.

377
"Di kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob
ng magulong baya't baluting soldados;
(O, araw na lubhang kakila-kilabot!
araw na sinumpa ng galit ng Diyos!)

378
"Sigawang malakas niyong bayang gulo:
'mamatay, mamatay ang Haring Linceo
na nagmunakalang gutumin ang reyno't
lagyan ng estangke ang kakani't trigo.'

379
"Ito'y kay Adolfong kagagawang lahat
at nang magkagulo yaong bayang bulag;
sa ngalan ng hari ay isinambulat
gayong ordeng mula sa dibdib na sukab.

380
"Noon di'y hinugot sa tronong luklukan
ang ama kong hari at pinapugutan;
may matuwid bagang makapanlulumay
sa sukab na puso't nagugulong bayan?

381
"Sa araw ring yao'y naputlan ng ulo
ang tapat na loob na mga konseho;
at hindi pumurol ang tabak ng lilo
hanggang may mabait na mahal sa reyno.

382
"Umakyat sa trono ang kondeng malupit
at pinagbalaan ako nang mahigpit,
na kung di tumanggap sa haing pag-ibig,
dustang kamataya'y aking masasapit.

383
"Sa pagnanasa kong siya'y magantihan
at sulatan kita sa Etolyang Bayan,
pinilit ang pusong huwag ipamalay
sa lilo-ang aking kaayawa't suklam.

384
"Limang buwang singkad ang hininging taning,
ang kaniyang sinta'y bago ko tanggapin;
ngunit ipinasyang tunay sa panimdim
ang magpatiwakal kundi ka dumating.

385
"Niyari ang sulat at ibinigay ko
sa tapat na lingkod nang dalhin sa iyo;
di nag-isang buwa'y siyang pagdating mo't
nahulog sa kamay ni Adolfong lilo.

386
"Sa takot sa iyo niyong palamara
kung ikaw'y magbalik na may hukbong dala,
nang mag-isang muwi ay pinadalhan ka
ng may selyong sulat at sa haring pirma.

387
"Matanto ko ito'y sa malaking lumbay
gayak na ang puso na magpatiwakal
ay siyang pagdating ni Minandro naman,
kinubkob ng hukbo ang Albanyong Bayan.

388
"Sa banta ko'y siyang tantong nakatanggap
ng sa iyo'y aking padalang kalatas,
kaya't nang dumating sa Albanyang Syudad,
lobong nagugutom ang kahalintulad.

389
"Nang walang magawa ang Konde Adolfo
ay kusang tumawag ng kapuwa lilo;
dumating ang gabi umalis sa reyno
at ako'y dinalang gapos sa kabayo.

390
"Kapagdating dito ako'y dinadahas
at ibig ilugso ang puri kong ingat;
mana'y isang tunod na kung saan buhat,
pumako sa dibdib ni Adolfong sukab..."

391
Sagot Flerida: "Nang dito'y sumapit
ay may napakinggang binibining boses
na pakiramdam ko'y binibigyang-sakit,
nahambal ang aking mahabaging dibdib.

392
"Nang paghanapin ko'y ikaw ang nataos,
pinipilit niyong taong balakiyot;
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos..."

393
Di pa napapatid itong pangungusap,
si Minandro'y siyang pagdating sa gubat;
dala'y ehersito't si Adolfong hanap,
nakita'y katoto... laking tuwa't galak!

394
Yaong ehersitong mula sa Etolya,
ang unang nawika sa gayong ligaya:
"Biba si Floranteng Hari sa Albanya...
Mabuhay, mabuhay ang Prinsesa Laura!"

395
Dinala sa reynong ipinagdiriwang
sampu ni Aladi't ni Fleridang hirang,
kapuwa tumanggap na mangabinyagan;
magkakasing sinta'y naraos nakasal.

396
Namatay sa bunying Sultan Ali-Adab,
nuwi si Aladin sa Persyang Syudad;
ang Duke Florante sa trono'y naakyat
sa siping ni Laurang minumutyang liyag.

397
Sa pamamahala nitong bagong hari,
sa kapayapaan ang reyno'y nauwi;
dito nakabangon ang nalulugami
at napasatuwa ang nagpipighati.

398
Kaya nga'y nagtaas ang kamay sa langit,
sa pasasalamat sa bayang tangkilik;
ang hari't ang reyna'y walang naiisip
kundi ang magsabog ng awa sa kabig.

399
Nagkasama silang lubhang mahinusay
hanggang sa nasapit ang payapang bayan...
(Tigil, aking Musa't kusa kang lumagay
sa yapak ni SELYA'T dalhin yaring Ay!... AY!)

Log in or registerto write something here or to contact authors.