This is part of the poem Florante at Laura by Francisco Baltasar
<< prev  Florante at Laura   next >>


**Ang Pakikipagsapalaran ni Florante**


299
"At kung hindi luhang pabaon sa akin,
namatay na muna bago ko naatim;
dusang di lumikat hanggang sa dumating
sa Bayang Krotonang kubkob ng hilahil.

300
"Kuta'y lulugso na sa bayong madalas
ng mga makinang talagang pangwalat,
siyang paglusob ko't ng hukbong akibat,
ginipit ang digmang kumubkob sa syudad.

301
"Dito'y ang masidhing lubhang kamatayan
at Parkas Atropos ay nagdamdam-pagal
sa paggapas nila't pagkitil ng buhay
ng naghihingalong sa dugo'y naglutang.

302
"Makita ng piling Heneral Osmalic
ang aking marahaas na pamimiyapis,
pitong susong hanay na dulo ng kalis,
winahi ng tabak nang ako'y masapit.

303
"Sa kaliwa't kanan niya'y nalaglag
mga soldados kong pawang mararahas;
lumapit sa aking mata'y nagniningas,
Halika, aniya't kita ang maglamas.

304
"Limang oras kaming hindi naghiwalay,
hanggang sa nahapo ang bato ng tapang;
nagluksa ang langit nang aking mapatay...
habag sa gererong sa mundo'y tinakpan.

305
"Siya nang pagsilid ng pangingilabot
sa kalabang hukbong parag sinasalot
ng pamuksang tabak na Minandrong bantog...
ang kampo't biktorya'y napa-aming lubos.

306
"Tagumpay na ito'y pumawi ng lumbay
ng mga nakubkob ng kasakunaan;
panganib sa puso'y naging katuwaan,
ang pinto ng syudad pagdaka'y nabuksan.

307
"Sinalubong kami ng haring dakila,
kasama ang buong bayang natimawa;
ang pasasalamat ay di maapula
sa di magkawastong nagpupuring dila.

308
"Yaong bayang hapo't bagong nakatighaw
sa nagbalang bangis ng mga kaaway,
sa pagkatimawa ay nag-aagawang,
malapit sa aki't damit ko'y mahagkan.

309
"Sa lakas ng hiyaw ng Pamang matabil,
vivang dugtung-dugtong ay nakikisaliw;
ang gulong salamat, nagtanggol sa amin--
dininig sa langit ng mga bituin.

310
"Lalo ang tuwa nang ako'y matatap
na apo ng hari nilang nililiyag;
ang monarko nama'y di-munti ang galak,
luha ang nagsabi ng ligayang ganap.

311
"Nagsiakyat kami sa palasyong bantog
at nangapahinga ang soldadong pagod;
datapwa't ang baya'y tatlong araw halos
na nakalimutan ang gawaing pagtulog.

312
"Sa ligaya namin ng nuno kong hari,
nakapagitan din ang lilong pighati;
at ang pagkamatay ng ina kong pili,
malaon nang lanta'y nanariwang muli.

313
"Dito naniwala ang bata kong loob
na sa mundo'y walang katuwaang lubos;
sa minsang ligaya't tali nang nakasunod--
makapitong lumbay o hanggang matapos.

314
"Naging limang buwan ako sa Krotona
nagpilit bumalik sa Reynong Albanya;
di sinong susumang sa akay ng sinta
kung ang tinutungo'y lalo't isang Laura?

315
"Sa gayong katulin ng aming paglakad,
naiinip ako't ang nasa'y lumipad;
aba't nang matanaw ang muog ng syudad,
kumutob sa aking puso'y lalong hirap!

316
"Kaya pala gayo'y ang nawawagayway
sa kuta'y hindi na bandilang binyagan,
kundi Medialuna't reyno'y nasalakay
ni Alading salot ng pasuking bayan.

317
"Ang akay kong hukbo'y kusang pinahimpil
sa paa ng isang bundok na mabangin,
di kaginsa-ginsa'y natanawan namin,
pulutong ng Morong lakad ay mahinhin.

318
"Isang binibini ang gapos na taglay
na sa damdam nami'y tangkang pupugutan;
ang puso ko'y lalong naipit ng lumbay
sa gunitang baka si Laura kong buhay.

319
"Kaya di napigil ang akay ng loob
at ang mga Moro'y bigla kong nilusob;
palad nang tumakbo at hindi natapos
sa aking pamuksang kalis na may poot!

320
"Nang wala na akong pagbuntunang galit,
sa di makakibong gapos ay lumapit;
ang takip sa mukha'y nang aking ialis,
aba ko't si Laura! may lalo pang sakit?

321
"Pupugutan dahil sa hindi pagtanggap
sa sintang mahalay ng Emir sa syudad;
nang mag-asal hayop ang Morong pangahas,
tinampal sa mukha ng himalang dilag.

322
"Aking dali-daling kinalag sa kamay
ang lubid na walang awa at pitagan;
mga daliri ko'y naalang-alang
marampi sa balat na kagalang-galang.

323
"Dito nakatanggap ng lunas na titig
ang nagdaralitang puso sa pag-ibig;
araw ng ligayang una kong pagdinig
ng sintang Florante sa kay Laurang bibig.

324
"Nang aking matantong nasa bilangguan
ang bunying monarka't ang ama kong hirang;
nag-utos sa hukbo't aming sinalakay
hanggang di mabawi ang Albanyang Bayan.

325
"Pagpasok na namin sa loob ng reyno,
bilanggua'y siyang una kong tinungo;
hinango ang hari't ang dukeng ama ko
sa kaginooha'y isa si Adolfo.

326
"Labis ang ligayang kinamtan ng hari
at ng natimawang kamahalang pili;
si Adolfo lamang ang nagdalamhati,
sa kapurihan kong tinamo ang sanhi.

327
"Pangimbulo niya'y lalo nang nag-alab
nang ako'y tawaging Tanggulan ng Syudad,
at ipinagdiwang ng haring mataas
sa palasyo real nang lubos na galak.

328
"Saka nahalatang ako'y minamahal
ng pinag-uusig niyang karikitan;
ang Konde Adolfo'y nagpapakamatay--
dahil sa Korona't--kay Laura'y makasal."

Log in or registerto write something here or to contact authors.